Tha Call Center Craze
Kahapon, nang maputol ang maiksing pagtulog ko para lang magpunta sa isa na namang job interbyu para sa isang call center, napag-isip-isip kong kahit na marami-rami na rin akong napag-aplay-an na kol center ay ayoko palang mamasukan sa naturang uri ng kompanya. Ang pagpapasya kong ito ay lalong tumibay ng makaharap ko ang antipatikang mukha ng alé na mag-i-interbyu sa’kin na pinaghintay ako sa pamamagitan ng pagsagot ng 4 na tawag at pakikipagdebate sa isang ka-empleyado. Lalo pang nadagdagan ng nagreklamo sa’kin ang ulo ko [sa kawalan ng tulog] at nagsumubok at nagpumilit magkaron ng migraine fit ngunit di tumuloy. Bungad ko sa sarili, bat naman ako magtatrabaho para sa isang uri ng kumpanya na nagnanais bigyan ng solusyon ang mga problema ng ibang bansa gayong mas namomroblema pa nga ang sarili nating bansa? Nanatili rin sa’kin ang madalas na tanong ng mga nag-i-interbyu: ang tanong na “What is your career path?” Pag nagtrabaho ako sa kanila [na malamang gagawin ko lang sa kagustuhang yumaman at magkaron ng malaking suweldo], ano ba ang magiging career path ko? Aakyat ba ako sa kanilang corporate ladder gayong nangangapa lang naman ako sa aking trabaho? Kahapon na naisip ko to, napagtanto ko na siyempre, gusto kong magsulat. [ito ang kinuha kong kurso, dba?] Alam kong kailangan kong mapunan ang mga two-three year experience na requirement ng karaniwang magasin o pahayagan kaya mabuti na ang mag-umpisa ako sa pagsusulat kesa mag-umpisa sa kol center. Kung iisipin, ala naman akong maisip na trabaho na ka-kailanganin ang two year experience sa pagtatrabaho sa isang kol center.
Ito ang mga naisip kong mga gusto kong trabaho kahapon:
1] writer. [lalo na para sa isang magasin tulad ng Mega o Cosmo.]
2] deejay sa radyo. [gusto ko ng mga libreng cds at ang pagkakataong batiin ang mga ka-anak at kaibigan ko kung kelan ko man gusto.]
3] model. [gusto ko ng mga libreng damit, beauty products, etc.]
No comments:
Post a Comment